Mapapanood sa Venice International Film Festival ang pelikulang “Kapag Wala Na Ang Mga Alon (When The Waves Are Gone),” na pinagbibidahan ni John Lloyd Cruz.

Ang naturang pelikula na idinerek ng batikang si Lav Diaz, ay bahagi ng Venice International Film Festival’s Out of Competition, Fiction section, ayon sa Film Development Council of the Philippines.

Kasama ni John Lloyd sa pelikula ang mga batikang aktor at aktres na sina Shamaine Buencamino, Ronnie Lazaro, at DM Boongaling.

May tema tungkol sa kampanya laban sa ilegal na droga ang pelikula, kung saan gagampanan ni John Lloyd ang karakter ni Lt. Hermes Papauran.

Sa synopsis mula sa producer na Sine Olivia Pilipinas, nakasaad na magsisimula ang istorya, "when Papauran ends up on deep moral crossroads [after] being a witness to his institution’s [participation] to a murderous anti-drug campaign, which is spearheaded by no less than the president of the country, Rodrigo Duterte.”

Gaganapin ang Venice Film Festival sa Venice Lido mula Aug. 31 hanggang Sept. 10. --FRJ, GMA News