May kani-kaniyang sweet at nakakakilig na proposals sina Abdul Raman, Allen Ansay at Jamir Zabarte sa kanilang mga katambal para maging ka-date nila sa inaabangang GMA Thanksgiving Gala.

Sa ulat ni Lhar Santiago sa Saksi, sinabing “She said yes” ang caption ni Abdul sa kaniyang latest Instagram post matapos pumayag si Shayne Sava na maging ka-date nito sa gala na gaganapin sa Hulyo 30.

Bago nito, ikinuwento ni Shayne na dati na ring nag-effort si Abdul nang magbisikleta ito mula Pasig hanggang Marikina para hatidan siya ng pagkain.

Magkatambal sina Shayne at Abdul sa Raising Mamay.

Sinorpresa rin ni Allen ang kaniyang katambal na si Sofia Pablo.

Pagkatapos ng kanilang performance sa isang piyesta sa Bicol, lumuhod si Allen para magtanong ng “Will you be my Jolly date at the GMA Gala Night?”

Isang matamis na “oo” ang sagot ni Sofia.

Nakikuntsaba naman si Jamir sa kanilang Sparkle handlers ng ka-love team na si Zonia Mejia para sa isang simple pero sweet na sorpresa sa dalaga.

Unang inakala ni Zonia na meron silang photoshoot, pero pagdating niya sa venue, pinanood sa kaniya ni Jamir ang isang video, kung saan kakuntsaba ng binata ang kanilang Jose & Maria's Bonggang Villa co-stars na sina Pekto, Benjie Paras, Dingdong Dantes at Marian Rivera.

May mutual understanding na aniya sina Jamir at Zonia na sabay silang pupunta sa gala, pero mas espesyal ang may formal proposal. —LBG, GMA News