Dahil umano sa "clerical error," aksidenteng napalaya ng mga awtoridad sa Amerika ang suspek sa pagbaril sa "dog walker" ni Lady Gaga, at tumangay sa dalawa niyang mamahaling French bulldog.
Sa ulat ng Agence France-Presse, sinabi ng US Marshals Service na patuloy na hinahanap ang suspek na si James Howard Jackson, 19, na aksidenteng napalaya noong nakaraang Abril.
Si Jackson ay inakusahang bumaril sa dog walker ni Lady Gaga na si Ryan Fischer noong 2021 malapit sa Sunset Boulevard sa Los Angeles.
Ayon sa US Marshals Service, nagkaroon ng "clerical error" sa pagpapalaya ni Jackson, na itinuturing "armed and dangerous."
Nag-alok din ang mga awtoridad ng $5,000 reward sa makapagbibigay ng impormasyon para madakip si Jackson.
Si Jackson ay kasama sa tatlong lalaki na kinasuhan ng attempted murder at robbery dahil sa nangyari kay Fischer.
Ayon sa mga awtoridad, bumaba si Jackson sa isang sasakyan habang naiwan ang dalawa nitong kasama. Lumapit umano si Jackson kay Fischer at tinutukan ng baril para kunin ang inilalakad na mga aso ni Lady Gaga.
Nagkaroon agawan at binaril ng suspek ang biktima.
Natangay nila ang dalawang aso, habang nakatakas ang isa, at kinalaunan ay binalikan ang sugatang si Fischer.
Ayon sa pulisya, maaaring maibenta ng libong dolyar ang mga aso ni Lady Gaga.
Nag-alok noon si Lady Gaga ng $500,000 reward para maibalik sa kaniya ang dalawang alaga. Pagkaraan ng dalawang araw, isang babae ang nagsauli ng dalawang aso.— AFP/FRJ, GMA News