May ka-date si Arra San Agustin sa inaabangang GMA Thanksgiving Gala na gaganapin sa Hulyo 30.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabi ni Arra na secret muna ito, pati na ang outfit niya na idinisenyo ni Steph Tan.
"Surprise 'yung magiging hitsura ng damit. Siyempre hindi namin puwede munang i-reveal until the ball," sabi ni Arra.
Masaya ang aktres sa patuloy na pagtaas ng ratings at palagiang trending ng action drama series na kaniyang pinagbibidahan na "Lolong."
"Kasi alam ko kung gaano tinrabaho ng bawat isa, from the prod, director, mga artista, lahat yan buong puso talaga namin ibinigay namin sa show na ito kaya ang saya lang na nakikita namin every night, grabe 'yung pagtanggap ng mga tao," sabi ni Arra.
Gumaganap si Arra sa series bilang si Bella, ang misteryosang vlogger na maglalagay ng twist sa namamagitan kina Lolong, na ginagampanan ni Ruru Madrid, at ni Elsie, na ginagampanan ni Shaira Diaz.--Jamil Santos/FRJ, GMA News