Muling nagbahagi si Kris Aquino ng update sa lagay ng kaniyang kalusugan habang nagpapagamot sa Amerika. Kasama sa post niya ang hiling sa kaniyang namayapang kuya na si dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III na tulungan siyang malampasan ang pagsubok.
Nag-post ng video sa Instagram si Kris na makikita ang ilang proseso sa kaniyang pagpapagamot. Kasama na rin ang pagsasailalim niya sa mga blood tests.
Kasunod nito ay mababasa ang kaniyang open letter sa kaniyang kuya 'Noy na ginunita kamakailan ang unang taon ng pagpanaw. Humingi siya ng paumanhin na hindi niya ito nabati sa unang kaarawan sa langit.
Ipinaliwanag ni Kris na nagpositibo sa COVID-19 ang anak niyang Josh, at sumunod silang dalawa ni Bimby.
“Since this was already your death anniversary, somehow I felt reassured knowing that the three of us would get through this new ordeal, especially because you would never allow us to have a death date so close to yours,” sabi ni Kris sa sulat.
Kasabay nito ang kaniyang hiling sa namayapang kapatid na tulungan sana siyang malampasan ang pagsubok.
“Then I said seriously Noy, help me please—these two only have me … please help me survive this, please?” sabi ni Kris.
Ipinaliwanag din niya ang serye ng gamutan na kaniyang pinagdaanan nitong nakalipas na mga lingo, kabilang ang corticosteroid challenge, ang pagsusuri para malaman kung kakayanin ng pasyente ang ibibigay sa kaniyang gamot.
Ayon sa Queen of All Media, “totally COVID-free” na sila pero kailangan pa rin niyang ituloy ang medical procedures sa kaniyang autoimmune diseases. Kasama rito ang autoimmune thyroiditis, chronic spontaneous urticaria, at ultra-rare eosinophilic granulomatosis with polyangiitis.
Nagpakita rin siya ng mga larawan na may bahagi ng kaniyang mukha ang namula. Inihayag din niya na makaramdam din ng sakit ang bahagi ng kaniyang katawan. Kapansin-pansin din ang kaniyang pagpayat.
Sa sulat, umaasa si Kris na mauunawaan ng mga tao ang pagdadaanan nilang mag-iina sa susunod na isa't kalahating taon, na tinatayang tagal ng magiging gamutan sa kaniya.
“Please know that I remain thankful for all the concern and prayers you have sent our way but during very difficult times, I want to just keep the suffering to myself with only family and trusted friends kept informed,” sabi ni Kris.
Tiniyak din naman ni Kris ang kaniyang mga follower na “this isn’t a permanent goodbye.”
“Ibalato nyo na lang hanggang malagpasan namin itong matinding pagsubok. Thank you for all your prayers—I am forever #grateful,” sabi pa niya.
Umalis ng bansa si Kris nitong unang bahagi ng Hunyo para magpagamot sa Amerika. – FRJ, GMA News