Ikinagalak ni AiAi Delas Alas ang mainit na pagtanggap ng mga Kapuso abroad ng kaniyang afternoon series na "Raising Mamay."
Sa ulat ni Cata Tibayan sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nasa Japan kamakailan si AiAi para sa isang show para sa mga Kapuso abroad.
Hindi inakala ni AiAi na magiging patok sa mga manonood ang series.
"Kapag nasa abroad, doon ko nararamdaman personally, kasi minsan may nag-a-approach sa akin sa Walmart. Kaya sabi nila 'Naku Ms. AiAi grabe nandito ka pala! Alam mo ba 'yung buong pamilya namin, naku!' Ganyan sila. Meron pa silang 'Naku para kaming Aldub noong araw, hindi talaga namin pinapalampas na araw-araw talaga na nanonood kami buong pamilya.' Humihinto raw lahat ng ginagawa nila, nanonood sila no'n," sabi ni AiAi.
Katunayan, Mamay na rin ang tawag kay AiAi ng mga kababayan sa Japan.
"Tinatawag ako ng girls na 'Mamay.' So hindi ko ine-expect. Nagpe-pray ako na sana magawa ko nang maayos kasi mahirap talaga 'yung role na 'yun, 'yung bata-bataan. Kailangan careful ka rin kung paano mo aatakihin 'yung role mo," sabi ni AiAi.
"Maganda rin na aral doon sa show na 'yan is kung paano mo itrato ang iyong mga magulang, magulang mo man ito biologically o hindi kasi si Shayne (Sava) ay isang magandang ehemplo ng mga kabataan lalong lalo na sa pagmamahal niya kay Mamay."
Sa ngayon, nakabase si AiAi sa Amerika at umuuwi lamang sa Pilipinas tuwing may proyekto, tulad ng Raising Mamay.
Pagbalik naman ni AiAi sa Amerika, magpapahinga muna siya sa pagiging artista at sasamantalahin muna ang pagiging housewife.
"Na-miss ko 'yung mga ginagawa ko everyday na nagluluto ako para sa kaniya (Gerald Sibayan). Minsan hinahatid ko siya. Naggi-gym ako everyday. Maraming masaya. And pagbalik ko magbe-baking na ako. Gusto ko nga sana mag-aral uli ng baking doon eh, naghahanap uli ako ng school," sabi ni AiAi. —Jamil Santos/VBL, GMA News