Hindi naging madali para kay Raymond Gutierrez na itago ang kaniyang pagiging isang miyembro ng LGBTQ community. Inamin niyang nakaranas siya ng depresyon.
Sa panayam sa kaniya sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," ibinahagi si Raymond sa publiko sa kauna-unahang pagkakataon ang mga pinagdaanan niya matapos maglantad noong nakaraang taon sa isang magazine.
"Noong nag-out kasi ako, I was in a very content place. Kung ano 'yung natutunan natin sa pandemic, is to really live your life to the fullest. I want to use my platform to empower others na kung may pinagdadaanan silang something similar, napagdaanan ko rin 'yung ganoong struggles. You're not alone," mensahe ni Raymond sa mga taong pareho ng kaniyang pinagdaanan noon.
Ayon kay Raymond, naramdaman na niyang iba siya kahit noong bata pa lamang sila ng kakambal niyang si Richard.
"Noong bata pa lang kami, talagang na-feel ko na na iba ako. Iba 'yung mga hilig ko kay Chard, iba 'yung mga gusto kong gawin and iba 'yung barkada namin. Iba 'yung personality namin," anang TV host-actor.
Hindi rin naging madali sa kaniya nang makita si Richard bilang isang superhero at matinee idol sa Pilipinas. Bukod dito, iba rin ang roles ng mga bakla noon sa showbiz industry.
"Ten years ago being gay is not the same as being gay today. Ngayon mas marami tayong nakikitang gay personalities on TV, on movies, on social media. Noong panahon ko kapag gay ka, ibig sabihin komedyante ka, sidekick ka, bestfriend ka, pero hindi ikaw 'yung bida," saad niya.
Nahirapan din si Raymond, lalo na't kilalang leading man ng kaniyang henerasyon ang ama nila na si Eddie Gutierrez. Dahil dito, natuto siyang magbisyo.
"I have to be honest, medyo na-bully din ako dati ng older generation TV hosts and actors. Minsan nga dati takot akong pumasok sa mga dressing room kasi sasabihin nila 'Ay 'di ba 'yan 'yung baklang kakambal ni Richard?' I think the industry also makes it difficult for celebrities to come out."
"I turned to alcohol and partying, and being self-destructive kasi hindi ko alam how to come to terms with it. Noong time na 'yun I didn't know it was depression," dagdag ni Raymond.
Ngunit unti-unting nagbukas si Raymond tungkol sa kaniyang tunay na identidad sa ibang tao, hanggang sa matuto siyang tanggapin ang kaniyang sarili.
"There came a point na na-realize ko na walang magse-save sa akin kundi sarili ko."
At nang mag-out, tinanggap si Raymond ng kaniyang pamilya, at hindi ipinaramdam sa kaniya ang pagkahiya o pagkadismaya.
"I felt free," sabi ni Raymond. "I got inspired to live my authentic self, my authentic life and really start living my life to the fullest."
Bago nito, matatandaang tumaba rin si Raymond noon, pero nagdesisyong magpapayat at nakapagbawas ng 70 pounds.
Kinumpirma ni Raymond na masaya siya ngayon sa kaniyang relasyon sa isang lalaki na nakabase sa Los Angeles.
"Yes, my lovelife is very good. He's a private person, he's based in LA. I'm happy."
Tunghayan ang buong panayam ni Jessica Soho kay Raymond sa video. --FRJ, GMA