Mahigit 50 taon nang nagsusulat ng mga kuwento para pelikula at iba pa ang bagong National Artist for Film and Broadcast na si Ricky Lee.
Sa panayam ng GMA News "Unang Hirit," sinabing mahigit 200 scripts na ang naisulat ni Ricky, mga libro at nakapagsagawa na rin ng mga workshop sa pagsusulat.
Bagaman hindi maiiwasan na makaranas ng kabiguan, sinabi ni Ricky, creative consultant ng GMA, na hindi dapat panghinaan ng loob kapag nangyari ang mga ganitong pagsubok sa pagsusulat.
“Pag nakita mo na yung resulta at pinuri na ng iba, maski na ang daming hirap at rejections, okay na siya,” ani Ricky.
Isa umano sa dapat na taglay ng manunulat ng kuwento ay ang pagkakaroon ng malikot na imahinasyon.
“Dapat malikot ang imahinasyon mo. Kung sampu kayong taong nakatingin sa isang bagay o isang pangyayari, ikaw malikot ‘yung imahinasyon mo. May iba ka pang nakikita sa likod nung nakikita ng ibang nangyari at sa likod ng taong nasa hirap [mo],” payo niya.
Dapat din umanong buksan ang emosyon ang isang manunulat at huwag pigilan ang damdamin.
“Open ka na 'di mo dine-deny ang emosyon mo. Kung na-heartbroken ka, damdamin mo,” dagdag pa ng bagong National Artist.
Sa ito sa mga nabanggit ni Ricky nang makapanayam ni Howie Severino sa podcast noong nakaraang taon.
"Pag may negative event sa buhay, hindi ko siya ide-deny. Titingnan ko. Ano bang pagka-nega nito? Ano bang pain dito? And then, paano ko siya matu-turn around para mas makita ko kung kabilang side? Dalawahan lagi ang lahat ng bagay. Walang good lang, walang bad lang. Laging may good and bad," paliwanag ni Lee.
Labis ang kasiyahan ni Ricky na maparangalan bilang National Artist kasabay ng dalawa niyang paboritong katrabaho sa industriya na sina Nora Aunor at ang namayapang direktor na si Marilou Diaz-Abaya.
Nang tanungin kung ano sa mga naisulat niyang kuwento ang paborito niya, sinabi ni Ricky ang "Himala" (bida si Nora) at "Moral" (na si Marilou ang direktor). — FRJ, GMA News