Sa pagpanaw ng batikang aktres na si Susan Roces, nagbigay ng payo si Senador Grace Poe sa mga katulad niyang anak matapos amining may mga hindi siya nagawa at nasabi nang nabubuhay pa ang kaniyang mahal na ina.
Sa panayam ni Jessica Soho, inihayag ni Grace na tanggap na nila ang pagpanaw ng kaniyang ina lalo pa't makakapiling na nito ang kaniyang namayapa na ring ama na si Fernando Poe Jr.
Payapang pumanaw ang 80-anyos na si Susan noong Biyernes ng gabi dahil sa cardiopulmonary arrest.
Aminado si Grace na may mga panghihinayang siya sa pagkawala ng kaniyang ina partikular sa kakulangan ng panahon na makasama niya ito.
Sa panayam na ipinalabas sa "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong Linggo, sinabi ni Grace na maraming oras ang kailangan niyang gugulin sa kaniyang trabaho bilang senador at nabawasan nito ang oras niya para sa ina.
"Kung meron akong pagsisisi, siyempre yung trabaho sa politika, medyo demanding," anang senadora.
"So yung naging oras ko sa nanay ko, nung mga bandang huli, mas kumonti," saad niya.
Kaya payo niya sa mga anak: "Sa mga magulang ninyo, sabihin niyo na sa kanila ang gusto niyo na sabihin kung sakaling mawala sila."
Inihayag din ni Grace na kahit nakakausap niya noon ang ina, mayroon pa rin siyang hindi nasasabi.
Nang tanungin siya kung ano ito, saad ng mambabtas, "Hindi lang 'Mama, I love you,' siguro yung mahigpit na yakap.'"
Kabilang umano sa mga huling napag-usapan nila mag-ina ay ang pagkakasabatas ng Foundling Law, o ang batas na magbibigay ng proteksyon sa mga inabandonang anak na gaya ni Grace.
"Sabi ko, 'Mom, I have good news.' Naisabatas na 'yung batas para ipakilala or to recognize 'yung mga batang na-abandona," ani Grace.
Sabi umano ni Susan kay Grace, "Congratulations!"
Pero para kay Grace, higit na dapat batiin ang kaniyang ina na ipinaglaban siya noong kuwestiyunin ang kaniyang citizenship nang tumakbo siya bilang pangulo noong 2016 elections dahil sa kaniyang pagiging "ampon."
Hinihinala rin ni Grace na dahil sa pandemic ay nagkaroon ng maraming oras ang kaniyang ina na makapag-isip at lagi nitong iniisip ang namayapa niyang ama na si FPJ.
"Siguro sinasabi niya [Susan] sa tatay ko, 'O Ronnie ha tapos na ako dito. Hindi na apihin ang anak mo. Recognized na 'yan at 'yung mga ibang bata na katulad niya,'" ani Grace.
Nagpapasalamat si Grace sa lahat ng nagpapaabot ng pakikiramay sa kanila mula sa mga kamag-anak, kaibigan, katrabaho at mga taong humahanga sa kaniyang ina.— FRJ, GMA News