Hindi maitago ni Kylie Padilla ang kaniyang pag-aalala para sa amang si Robin Padilla, na nakatakda nang pumasok sa politika matapos manguna sa senatorial race sa Eleksyon 2022.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras, sinabi ni Kylie na ang pagiging ganap na politiko ng amang si Robin ang isa sa mga realidad na dapat niyang tanggapin sa pagtatapos ng halalan ngayong taon.
Hindi raw inakala ni Kylie na magkakatotoo ito dahil ilang beses nang tumangging pumasok sa politika si Robin sa mga nagdaang taon.
"Ayokong ipasok siya sa utak ko, just to keep me grounded. Siguro when I see my dad tapos makausap mo na siya and 'yon. Siguro doon siya mag-sink pero ayoko talaga siyang, 'I'm a senator's daughter,'" sabi ni Kylie.
Proud ang aktres na mas lumawak pa ang pagkakataon para makatulong sa ibang tao ang kaniyang ama, na likas na ang pagiging matulungin.
Kaya naman dagdag ni Kylie, hindi na siya nagulat na nangunguna ang kaniyang ama sa bilangan ng mga kandidato sa pagkasenador.
"May mga fears din kami, siyempre politics 'yan eh, kahit anong mangyari may fears ka eh, magulo. Pero if I'm just thinking about what my dad wants, his dreams, mga gusto niyang mangyari para sa mga tao, I'm happy for him and I'm proud of him." — Jamil Santos/VBL, GMA News