Hindi pa rin naiiwasan ni Alden Richards na maging isang fan boy sa tuwing kaeksena ang kaniyang leading lady sa Philippine adaptation ng "Start-Up" na si Bea Alonzo, na kaniyang idolo.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing may moments na may "note to self" si Alden na katrabaho niya si Bea.
"Kanina, when we were doing the scene, sabi ko 'Idol ko dati! Idol ko itong... I mean this very talented woman. I used to look up to her, hindi pa ako artista. Meron lang siyang nostalgic feel na parang, 'Wow, ngayon ka-eksena mo na. Seryoso ba ito?'" sabi ni Alden.
Sa naturang ulat, mapapanood ang ilang ipinasilip na eksena sa "Start-Up" na dapat abangan ng fans.
Makikita na agad ang koneksiyon nina Alden at Bea.
"'Yung shinoot kanina siguro is one of our first heavy scenes together, so hindi ako nahirapan. We did quite a lot of workshops. Madali rin naman kasing pakibagayan, I mean, we talk a lot off-cam," sabi ni Alden.
Malaki rin ang ginagampanan ni Alden sa personal connection na ito, lalo siya ang nagpapagaan ng samahan nila sa set.
Importante naman ito para kay Bea dahil ito ang kaniyang kauna-unahan proyekto bilang Kapuso.
"Playful siya sa set. Of course I knew that before pero extra playful siya rito. Maybe because, matagal na niyang tahanan ang GMA so it's very comfortable around everyone," sabi ni Bea.
Naramdaman din ni Bea na kumportable na sa kaniya si Alden.
"He's very playful the way he is," ani Bea.
May kalayaan ang Philippine production ng "Start-Up" hinggil sa ilang elemento sa istorya para maging angkop ito sa panlasa ng mga manonood na Pinoy.
Hamon ito para kina Alden, na gaganap bilang si Good Boy, at si Bea bilang si Dani.
"Siyempre mahirap din, mako-compare, but gusto kong maging proud tungkol dito and of course, base ito sa aming interpretation, base rin sa how I am creating my own character as Dani, as compared to [Seo Dalmi]. So it's very exciting," sabi ni Bea. --Jamil Santos/FRJ, GMA News