Sa programang "Mars Pa More," tinanong si Rhian Ramos kung sino ang dating nakatrabaho na hindi na niya "keri" na maka-work muli.
Natatawa at tila excited na nakiusap si Rhian sa mga host ng shows na sina Camille Prats, Iya Villania at Kuya Kim Atienza--na ibubulong na lang niya ang kaniyang sagot.
Pumayag naman ang tatlo at ibinulong ni Rhian kay Camille ang initials ng kaniyang sagot.
Kinalaunan sa naturang segment pa rin, tinanong si Rhian kung bakit hindi na niya kayang makatrabaho muli ang ibinulong niya na dati niyang nakatrabaho.
"Hindi lang kasi hanggang work parang na-a-affect lahat like nadadala yung personal life," sabi ni Rhian.
Kasabay nito, sinabi ni Rhian na ang pagpasok niya sa showbiz ang pinakamalaking risk so far na ginawa niya sa kaniyang buhay.
Kuwento ni Rhian, summer lang noong second year high school siya nang bigla siyang napasok sa showbiz. Kaya raw hindi niya ito nagpag-isipan at napaghandaan.
Pero nilinaw ng aktres na masaya siya sa naging takbo ng kaniyang buhay at pagkakapasok sa showbiz na itinuturing niyang bigay mismo ni God.
"Kasi usually pagka-ako yung may plano usually hindi siya nagwo-workout. Pero kapag bigay siya ni God 'yon yung mga wow! watta gift!," ani Rhian.
Ano naman kaya biggest regret ni Rhian sa kaniyang lovelife? Alamin ang sagot ng aktres sa video ng "Mars Pa More." -- FRJ, GMA News