Inihayag nina Jennylyn Mercado at Dennis Trillo ang kanilang pananabik na makita ang paparating nilang baby.
Sa Instagram, nag-post si Jennylyn ng larawan nila ni Dennis mula sa kanilang maternity photoshoot.
Suot ng Kapuso actress ang black long sleeve slit dress habang naka-white tank top at black jeans naman si Dennis, at nakahawak sa baby bumb ni Jennylyn.
"We can’t wait to meet you," sabi ni Jennylyn sa caption ng kaniyang post.
Sa comment section, nagpahayag din ng pananabik si Marian Rivera na magiging ninang ng baby.
"Excited na si ninang Yan na makita ka," ayon sa Kapuso Primetime Queen.
"See you soon Ninang Yan," tugon naman ni Jennylyn.
Nauna nang inihayag nina Jennylyn at Dennis na babae ang paparating nilang baby.
“Noon pa lang, gusto talaga namin ni Jen na magkaroon ng baby girl,” saad ng aktor sa pahayag.
Nitong nakaraang Oktubre naging engaged sina Jennylyn at Dennis, at nagpakasal sa sumunod na buwan.—FRJ, GMA News