Kilalang komedyante at nagpapasaya ng mga tao ang little people na si “Dagul,” o Romy Pastrana. Ngayon, puno na ng drama at pagsubok ang buhay niya dahil na rin sa kaniyang kalagayan mula nang magkaroon ng COVID-19 pandemic.
Sa episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabi ni Dagul na hirap na siyang maglakad na mag-isa. Kung minsan, gumagamit siya ng wheelchair o binubuhat ng kaniyang anak sa barangay command center sa Rodriguez, Rizal kung saan siya nagtatrabaho.
“Siguro hindi na kaya ng bigat ng katawan ko,” saad niya. “Out [of] balance talaga. Kumbaga sa kandila parang nauupos na.”
Sa kaniyang trabaho sa barangay, sinabi ni Dagul na nakatatanggap siya ng sahod na P12,000 isang buwan. Malayo ito sa dati niyang kinikita sa showbiz noon.
“Tumakbo akong konsehal. Hindi naman ako pinalad,” pag-amin niya. “Walang kumukuha kaya ano lang muna, raket-raket... sabi ko sikat ka naman noon, lumubog ka ngayon. Ang showbiz, weder-weder lang.”
Nakapagpundar si Dagul ng bahay para sa kaniyang pamilya mula sa kita niya sa showbiz. Pero ngayon, hirap siyang tustusan ang pangangailangan ng kaniyang pamilya. Dalawa sa kaniyang mga anak ang hindi pa tapos sa pag-aaral.
Ang bunso niyang si Jkhriez, may dwarfism din na katulad niya.
“Sabi ko sa mga anak ko, ‘Tiis-tiis lang. Ganun talaga ang buhay, hindi ‘yung lagi tayong nasa itaas, minsan nasa ibaba,’” ani Dagul.
Sanay naman si Dagul sa hirap. Mula siya sa Bacolod at nagtrabaho noon sa isang sugar company, na kinalaunan ay nagbukas ng negosyong buy and sell ng mga dry goods.
Nang magkaroon ng pandemic, naubos ang ipon ni Dagul. Nagtayo siya ng maliit na sari-sari store sa pag-asang mapakukunan ng panggastos ng kaniyang pamilya.
Aminado si Dagul na nahihiya siyang humingi ng tulong sa mga dating katrabaho sa showbiz. Pero may mga pagkakataon na kailangan niyang lunukin ang hiya.
Isa sa mga maasahan ni Dagul ang kapuwa niya komedyante na si Benjie Paras, na dati niyang nakatrabaho sa 1998 sitcom na “Kool Ka Lang.”
“Napakabait. Pag tine-text ko ‘yan na talagang walang-wala ako, nagre-reply ‘yan, 'Sige brod, magpapadala ako sa yo,’” kuwento ni Dagul.
Nang malaman ang sitwasyon ngayon ni Dagul, may mga dati siyang katrabaho ang nagpaabot ng suporta at mensahe sa kaniya. Kabilang dito sina Mika dela Cruz, Kiray, Direk Frasco Mortiz, Gloria Diaz, at si Benjie.
Hindi inasahan ni Dagul na bibisitahan siya nang personal ni Benjie.
“Nabalitaan ko nga na hindi na siya makalakad. Kung sakaling magkakaroon siya ng mga role, limitado na,” ani Benjie.
“Kung mapayagan na makagawa ng show ulit, maisama kita. Ang role mo lang naman dun nasa loob ng bote, so hindi ka gagalaw,” biro niya kay Dagul.
“Genie pala,” sagot ni Dagul, na sinundutan ni Benjie ng hirit na, “Hindi, kasama mo mga jolen.
Para sa pamilya at pag-aaral ng anak, handa si Dagul na bumalik sa showbiz kung mabibigyan siya ng pagkakataon.
“Basta mapag-aral ko lang anak ko, ‘yun lang naman ang hinihingi ko. Kung mawala man ako sa mundo, hindi sila mahirapan sa buhay nila,” pahayag niya.
Bilang suporta kay Dagul, nagbigay ng pinansiyal na tulong ang "KMJS" at dagdag na produkto para sa kaniyang tindahan.
Sa mga nais tumulong kay Dagul, maaaring magpadala ng donasyon sa:
BANCO DE ORO (BDO)
MONTALBAN RIZAL BRANCH
ACCT NAME: ROMY ASPAN PASTRANA
ACCT NUMBER: 0073 4800 3301
—FRJ, GMA News