Pinaghahandaan na nina Glaiza De Castro at David Rainey ang kanilang kasal sa Pilipinas matapos ang traditional wedding nila sa Ireland noong nakaraang taon. Pero handa kayang isuko ng aktres ang showbiz ngayong may-asawa na siya at kapag may sarili nang pamilya?
Sa Kapuso Insider, inihayag ni Glaiza na magkakaroon ng pagbabago ang kaniyang priorities kapag nagkapamilya na siya ngayong kasal na sila ni David.
Pinaghahandaan na rin nila ang buhay mag-asawa na magkasama at hindi gaya noon na LDR o long distance relationship na aminado rin siya na mahirap.
Kabilang sa paghahanda na ito ang pagtatayo nila ng negosyong cafe sa Baler na pamamahalaan ni David.
Tungkol sa trabaho, sinabi ni Glaiza na napag-usapan na nila ito ni David at hindi niya basta-basta iiwan ang kaniyang pagmamahal sa pag-arte.
"Para sa akin never mawawala yung urged ko to work. So kahit pa sabihin natin na mag-migrate ako dun [sa Ireland], hahanap at hahanap ako ng paraan para umarte o para mag-produce," sabi ni Glaiza.
"I would say na kahit nagkaroon na ako ng pamilya, nandoon pa rin yung urged ko to act at hindi mawawala 'yon," patuloy niya.
Aminado ang aktres na magkakaroon ng pagbabago sa kaniyang sistema o daily routine at priorities ngayong may asawa na at kapag nagkaroon ng pamilya. Pero hindi daw siya handa na talikuran na ang lahat at napag-usapan na raw nila iyon ni David.
May mga role na gusto pa raw gawin si Glaiza, na mapapaanood sa upcoming Kapuso series na "False Positive."
--FRJ, GMA News