Isa nang Air Force reservist ang Kapuso actor at Philippine men's national volleyball team captain na si John Vic De Guzman.
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing nag-graduate si John Vic sa military training, bukod kay Geneva Cruz, sa nagdaang linggo.
Ginawan ni John Vic ang kaniyang military training kahit na abala rin siya sa training para sa SEA Games sa Mayo.
"Nakiusap po ako sa coaches ko, and good thing naman kasi sa Air Force rin 'yung coaches ko. In-allow ako na mag-join," sabi ni John Vic.
Magkasama sina John Vic at Geneva sa Flight Charlie.
"Flight Charlie ako po 'yung ginawang leader, and then under ko po si Miss Geneva. Nakakatuwa kay Miss Geneva, shini-share niya rin 'yung kumbaga may words of wisdom siya para doon sa mga female na pumasok sa military training," dagdag niya.
Bukod dito, kasama rin nila si Jay Arcilla, bilang isa sa kanilang instructors.
Hindi aniya nagbigay ng special treatment si Jay kina John Vic at Geneva at mga kasama sa training.
"Pinahiga namin sila sa ilog tapos kumakanta sila. Si Sgt. Cruz noon talaga, kanta rin talaga siya kahit nakahiga, kahit nakakainom na ng tubig," sabi ni Jay.
"Isa 'yon sa mga sinasabi kong memorable dahil at that time pinaghawak-hawak kami ng kamay and umiiyak 'yung ibang classmates namin kasi nga sa sobrang hirap ng pinagdaanan namin for the past few days. Tapos 'yung huling araw namin masasabi namin sobra-sobra talaga 'yung ginawa namin," ani John Vic. —Jamil Santos/VBL, GMA News