Inireklamo ng namuhunan sa negosyong manukan ang basketball star na si Terrence Romeo dahil sa tumalbog umanong tseke at 'di natupad na pangakong kita sa ipinasok na puhunan.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabi ng nagreklamong negosyante na itinago sa pangalang "Marco," na P10 milyon ang puhunan na ipinasok niya .

Ayon kay Marco, pinangakuan siya na makatatanggap ng 25% na debidendo bawat buwan.

“Bibili kami ng chicks tapos yung chicks na ‘yun sila ang magpapalago sa farm nila then meron kang makukuhang dibidendo every month. Noong mga unang buwan okay po sila pero noong tumagal nagkaroon po ng delays,” anang negosyante.

Bukod sa farm tour, sinabi ni Marco na nagkaroon pa ng grand event sa launching ng negosyante na dinaluhan at inindorso ng ilang celebrity umano, kabilang si Romeo.

“Kami ay siyempre agad na nagtiwala dahil star-studded at the same time star player yun yung pinaka pinanghawakan namin,” paliwanag ni Marco.

Pero ilang buwan lang daw siyang nakatanggap ng dibidendo hanggang sa hindi na niya makita ang may-ari ng kompanya.

Ginamit din niyang ebidensiya ang mga tumalbog na tseke na inisyu umano at nakapangalan kay Romeo.

“Ayaw po sana namin itong palakihin gusto po namin sana i-settle so nagkita po kami kaso ayaw pa rin po makipag-settle,” pahayag ni Marco.

Kasama rin umano sa mga nagpasok ng puhunan sa negosyo si "Barbie,"  na mula sa grupo ng mga guro.

“Una pinakita po sa amin yung farm, pangalawa mineeting po kami pinakilala sa amin si Terrence Romeo din tapos nagpakita ng mga pictures tapos yung mga naginvest,” ani Barbie.

Sinabi ni Barbie na wala silang natanggap na pero matapos silang magpasok ng puhunan.

“Nagkakaroon ng iba’t ibang dahilan kaya lang po dumating na po talaga sa point na wala ng maibigay,” dagdag ni Barbie.

Sa P2 milyon na ipinasok na puhunan ng grupo, sinabi ni Barbie na P50,000 ang sa kaniya, habang ang iba pa ay mula sa mga guro na nahikayat niyang mamuhunan din.

“Kahit ibalik lang po yung capital ng mga tao yun lang naman po inaano ko sa kanila para hindi magkaroon ng siraan, hindi magkaroon ng problema ‘yun po kasi nagtiwala po kami,” ani Barbie.

Sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) nila isinampa ang reklamo.

Walang tugon si Romeo tungkol sa alegasyon ng mga nagrereklamo. --FRJ, GMA News