Kilala si Gladys Reyes sa kaniyang kontrabida role na matindi sa mga eksenang sampalan. Sa tunay na buhay, nakatikim na rin ba ng sampal ang mister niyang si Christopher Roxas?
Sa isang episode ng "Bawal Judgmental" ng "Eat Bulaga," inihayag ni Christopher na halos 29 na taon na silang magkakilala at nagsasama Gladys.
Ayon kay Christopher, una silang nagkakilala ni Gladys sa isang proyekto na kasama nila si Judy Ann Santos, na asawa naman ni Ryan Agoncillo, na isa sa mga host ng programa.
Inihayag ni Ryan ang paghanga nila ni Juday kina Christopher at Gladys na tila hindi umano nagbabago ang pagmamahal sa isa't isa.
Ayon kay Christopher, malaking bagay sa maayos na pagsasama nila ni Gladys ang pagiging magkapareho ng kanilang relihiyon at commitment sa kanilang relasyon.
Napag-alam din na si Gladys ang nagpapasya noon kung tatanggapin niya ang mga proyekto sa pelikula. Sabi ni Christopher, ayaw ni Gladys na may eksenang halikan siya na gagawin.
Aminado rin ang aktor na may mga pagkakataon na nagkakaroon sila ng pagtatalo na mag-asawa.
Sinasabi umano niya kay Gladys na kung ang pinagtatalunan nila ay mauuwi sa kanilang paghihiwalay, dapat nila itong pag-usapan.
"Pero kung hindi naman, tigilan na natin 'yan kasi sayang ang oras," natatawang kuwento ni Christopher.
Alam din umano niya kung umaarteng galit lang ang kaniyang misis kapag nagtataas ito ng boses.
Nang tanungin ng host na si Alan K si Christopher kung nasampal na ba siya ni Gladys dahil sa kanilang pagtatalo, natatawang sinabi ng aktor na, "Hindi pa naman."
--FRJ, GMA News