Ibinahagi nina Glaiza de Castro at David Rainey ang ilang tagpo sa kanilang kasal na ginanap noong October 2021 at ginawa malapit sa isang kastilyo sa Northen Ireland.

Sa vlog, makikita sina Glaiza at David habang ikinakasal sa tuktok ng bundok na malapit sa palasyo kung saan nagkaroon din umano ng shooting noon "Game of Thrones."

Sa episode ng "Kapuso Mo Jessica Soho" nitong Linggo, inamin nina Glaiza at David na kasal na sila.

Hindi pa raw sila nagpalitan ng singsing dahil magkakaroon pa sila ng church wedding sa Pilipinas.

Sa Instagram, sinabi ni Glaiza na hindi niya alam kung sasabihin o hindi ang naging kasal nila sa Ireland dahil naghahanda sila sa kasal nila sa Pilipinas.

"Naisip ko na kung i-she-share man namin ‘to, gusto rin namin i-share yung naging kwento at proseso namin," sabi ni Glaiza, kasabay ng pasasalamat niya sa "Kapuso Mo, Jessica Soho" team para sa "perfectly telling our story."

Pinasalamatan din aktres ang Sparkle Artist Center "for being part of the process."

"Marriage isn't our end goal. It's just part of what's to come," ayon sa aktres.

—FRJ, GMA News