Sa kabila ng mga espekulasyon na may pinagdadaanan ang pagsasama ng mag-asawa, makikitang nag-"I love you" si Tom Rodriguez sa post ni Carla Abellana.

Nitong Biyernes, nag-post si Carla sa Instagram ng ilan niyang larawan na tila mula sa pictorial.

Pinusuan ito ng mahigit 38,000 niyang followers at may mahigit 500 nagkomento--kabilang ang mister niyang si Tom.

"I Love You," saad ni Tom sa comment section na may kasamang tatlong health shapes.

Ikinatuwa naman ng kanilang supporters ang inihayag ni Tom na mayroon na ring mahigit 1,000 hearts.

 

 

Nitong nakaraang Enero, nagsimula ang mga espekulasyon na baka may problema sa pagsasama ng mag-asawa nang mapansin ng kanilang followers na i-unfollow ni Tom sa IG si Carla.

Mayroon din siyang cryptic post ng audio excerpt mula sa Japanese anime series “Cowboy Bebop” na madidinig sa background.

Nakasaad sa audio clip na: “And now you’re leaving just like that? Why do you have to go? Where are you going? What are you going to do? Just throw your life away like it was nothing?” 

May boses naman na sumagot na. “I’m not going there to die. I’m going to find out if I’m really alive.”

Kinalaunan, muling nag-"follow" sa isa't isa ang mag-asawa pero may netizens naman na nakapuna sa isang vlog ni Carla na hindi niya suot ang kaniyang wedding ring.

Wala pang opisyal na pahayag sina Tom at Carla tungkol sa kalagayan ng kanilang pagsasama.

Ikinasal ang dalawa noong lang nakaraang Oktubre matapos ang ilang taon nang pagiging magkasintahan. — FRJ, GMA News