May paalala si Commission on Elections (Comelec) spokesperson Director James Jimenez ang mga celebrity na may sinusuportahang kandidato sa darating na halalan sa Mayo.
Sa virtual press briefing nitong Biyernes, sinabi ni Jimenez na hindi dapat gamitin ng mga celebrity ang kanilang "platforms" para ikampanya ang sinusuportahan nilang kandidato.
Anang opisyal, maaari itong maging usapin dahil maikokonsidera itong "donated advertising time."
"Under election laws, candidates who have programs should take a leave from their programs. We do not refer to endorsers but again it’s good practice siguro to not use their platforms to campaign because magiging issue 'yan in terms of using these platforms for campaign purposes. Magiging considered 'yan na donated advertising time eh, so magiging issue 'yan," paliwanag ni Jimenez.
"So referring to candidates, in the first place, for them to take a leave, but for endorsers to maybe not use their programs or platforms to campaign for candidates because that might be considered donated air time,"dagdag niya.
Sa bahagi ng Comelec, mayroon itong free live streaming para sa online political rallies ng mga national candidate bilang pag-iingat laban sa COVID-19 pandemic.
Sa Campaign S.A.F.E. Comelec e-Rally Channel sa Facebook, naglaan ang komisyon ng online airtime para sa mga tumatakbo sa pagka-pangulo, bise presidente, senador at party-list groups ng mula tatlo hanggang 10 minuto. — FRJ, GMA News