Kahit na mga single, may kaniya-kaniya namang plano sina Andrea Torres at Kim Rodriguez para sa Valentine's Day. Mayroon kaya silang mga ka-date?
Sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa 24 Oras nitong Huwebes, sinabing magiging simple lamang ang magiging pagdiriwang nina Andrea at Kim ng Araw ng mga Puso.
Ka-Valentine ni Kim ang kaniyang big bike at balak niyang igugol ang oras sa pagpa-practice sa race track.
Ipagdiriwang naman ni Andrea ang Valentine's Day sa bahay at ipagluluto ang kaniyang pamilya at mga inimbitahang kaibigan.
"Usually ako talaga 'yung nag-iisip ng menu namin. So kailangan may theme muna ako," sabi ni Andrea.
Mapapanood sina Andrea at Kim kasama si Tom Rodriguez sa "Wish Ko Lang!" ngayong Sabado.
Ang kuwento ay tungkol sa isa sa mga nawawalang sabongero, na binabalita pa rin hanggang ngayon.
"Ang role ko rito meron akong asawa nagpa-participate sa sabong and then bigla na lang siyang nawala," ayon kay Andrea.
"Ako 'yung taga-tari ng mga manok. Isa ako sa pinakamagaling, so maraming nagpapa-tari ng mga manok," sabi ni Kim. — Jamil Santos/VBL, GMA News