Naghayag ng panawagan si Angelina Jolie sa kongreso ng Estados Unidos na magpasa ng bagong bersyon ng Violence Against Women Act.
Sa Unang Balita nitong Biyernes, sinabing ito ang inilahad ni Angelina nang magsalita siya sa US Capitol kasabay ng kaniyang pagkondena sa pananahimik umano ng Kongreso sa karahasan sa mga kababaihan.
Nilalayon ng Violence Against Women Act na bigyan ng medical at legal assistance ang mga kababaihan at batang biktima ng pang-aabuso.
Una itong ini-sponsor ng dating senador at US President na ngayong si Joe Biden.
Nag-expire ang batas noong 2019.
Isinusulong nang repasuhin o baguhin ang batas, pero matagal nang pending dahil sa pagtalakay ng Kongreso sa ibang issue.
Nakaraang taon nang ihayag ni Angelina na naging biktima siya umano ng domestic violence. — Jamil Santos/VBL, GMA News