Ibinahagi ni Bea Alonzo ang kaniyang pinagdaanang pagsubok matapos na tamaan ng COVID-19 nitong nakaraang Enero.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras," ipinakita ang Instagram post ni Bea habang nagpapa-booster shot nitong nakaraang Lunes.

"The start of this year was challenging. I caught COVID early January (just like most people because of the COVID surge)," saad ng aktres.

Naramdaman umano niya ang karamihan ng sintomas ng sakit na dulot ng virus.

"At that time, I was also struggling with the worst muscle spasm," ani Bea. "It was a challenging moment. I got most of the symptoms, and I was having a hard time breathing, but I survived!"

Hinikayat ng aktres ang publiko na magpa-booster shot na at magtulungan para matapos na ang pandemya.

Kasabay nito, ilang Kapuso child star ang nagpa-first dose na ng COVID-19 vaccine tulad ni Raphael Landicho, Seth dela Cruz at Angelica Ulip.

Gaganap si Raphael bilang si Little John sa inaabangan live action series na "Voltes V Legacy."

May first dose na rin ng panlaban sa COVID-19 si Zia Dantes na anak nina Marian Rivera at Dingdong Dantes. Gayundin ang mga anak ni Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo na si Luna at Lucho.

--FRJ, GMA News