Ikinuwento ng newbie actor na si Saviour Ramos kung ano ang naging reaksiyon ng tatay niyang si Wendell Ramos nang malaman na gusto niyang mag-artista.
Ayon kay Saviour, idinaan siya sa pagsubok ng kaniyang ama para malaman nito kung gaano siya ka-determinado na pumasok sa showbiz.
"Lagi niyang sinasabi na 'Huwag na kayong mag-showbiz.' Pero 'yun 'yung motivation niya," sabi ni Saviour sa Kapuso Showbiz News.
"Feeling ko sasabihin niya 'yon para makita niya kung gusto ba talaga namin maging artista. So kapag gusto namin maging artista, makikinig po kami sa kaniya," dagdag ng newbie Kapuso actor.
Ayon kay Saviour, minsang nagpanggap ang kaniyang ama na nagalit para tingnan kung desidido siyang mag-audition para sa isang commercial.
"Ganoon po 'yung ginawa niya, tine-test niya po kami every time na may VTR po ako nu'n for example. Dati nakuha ako sa commercial, 12 years old ako, ayaw niya, nagagalit galit siya kunwari. 'Yun pala, motivation niya 'yun para 'Tingnan ko nga itong anak ko kung gusto talagang pumasok sa industriya.'"
Ngunit nang makita ni Wendell ang kagustuhan ng kaniyang mga anak na pasukin din ang pag-aartista, dito na niya sila binigyan ng mga payo sa pag-arte.
"Noong nakita niyang gusto ko talaga, nandoon na po 'yung mga turo niya talaga sa amin na magkapatid na matagal na niyang iniipon," sabi ni Saviour.
Pumirma ng kontrata si Saviour sa GMA Artist Center Setyembre noong nakaraang taon.
Bukod kay Saviour, pumirma na rin ng kontrata sa GMA Artist Center ang kaniyang kapatid na si Tanya. --FRJ, GMA News