Nag-post ng pagbati si Kris Aquino sa Instagram para sa kaniyang namayapang kuya na si dating Pangulong Benigno "Noynoy" Aquino III, na magdiriwang sana ng ika-62 kaarawan nitong Martes.

Sa caption ng post ni Kris, nabanggit niya ang pagpaparamdam umano ng kaniyang Kuya 'Noy.

"Sorry, Noy mahirap mag edit. Kasi grabe ka naman magparamdam… tried my best umabot ng kahit 11:45 PM BUT di talaga kaya," panimula ni Kris.

Sa video post na kasama ang mga anak ni Kris na si Josh at Bimby, binati nila ang dating pangulo sa kaarawan nito, at ipinahayag nila ang kanilang pagmamahal.

Binanggit din ni Kris na mas paborito ni Noynoy si Josh kaysa kay Bimby.

Tanggap naman iyon ni Bimby dahil alam niyang mahal din siya ng kaniyang tito.

Lumaki si Josh na kasama sina Noynoy at lola nito na si dating pangulong Cory Aquino sa kanilang bahay sa Times St. sa Quezon City.

Sa caption, humingi ng paumanhin si Kris kay Noynoy dahil hindi niya nasasabi noon sa kaniyang kuya kung gaano niya ito kamahal.

"I love you so much. I’m so sorry na hindi ko nasabi enough times when you were still here. i’m sorry for letting you down- but i know nakita mo how much your death has profoundly changed me," ani Kris.

"I know you wanted to teach me how to practice humility and not to post anything that later on i may regret… sorry sumablay lang kay mel, kasi pumatol ako and nag comment when i should’ve just shut up. After i post this i’ll message him na all is forgiven & forgotten," patungkol ni Kris sa kaniyang ex-fiancé na si Mel Sarmiento.

Naniniwala si Kris na masaya na ang kaniyang kuya Noy dahil kapiling na nito ang kanilang ina na si Cory at ama na si dating Senador Ninoy Aquino.

"Please habaan nyo pa yung bonding nyo? If Ate goes, you know how tight she and mom were. If it’s Pinky, everyday may ka debate ka na hindi takot awayin ka. Please not Viel, she’s super organized & that’s why all your pamangkins get their birthday & Christmas “hulog ng langit,” saad niya.

Patuloy ni Kris, "And if it’s me- you know naman… birthday mo so i’ll behave, di ko na sasabihin but i know you know what i mean [heart emoji]."
Mensahe pa ni Kris sa kaniyang Kuya," WE ALL LOVE YOU and we really miss you- but kuya josh & bimb, they still really need me. Ikaw nang bahala, okay."

 

 

Sinabi ni Kris na may gagawin pa siyang tribute para sa kapatid pero kailangan pa raw itong i-edit nang mabuti.

Singkuwenta anyos lang si Noynoy nang maging pangulo ng bansa noong 2010 at natapos ang kaniyang termino noong 2016. 

Hunyo 2021, sa edad na 61 ay pumanaw si Noynoy dahil sa renal failure na kaugnay na rin ng sakit niyang diabetes. --FRJ, GMA News