Walong taon na ang nakararaan mula nang pumanaw si Tado pero hindi pa rin daw makapaniwala sa nangyari si Ramon Bautista.

Pumanaw ang komedyanteng si Tado, o Arvin Jimenez sa tunay na buhay, matapos mahulog sa bangin ang sinasakyan niyang bus.

Nitong Miyerkules, nag-post si Ramon ng masayang larawan nila ni Tado, at nakaakbay pa siya sa komedyante.

“Hanggang ngayon, ’di pa rin kami makapaniwala,” saad ni Ramon sa caption.

Tumanggap ng maraming komento mula sa netizens ang naturang post na nagpaalala sa kanila tungkol sa paborito nilang komedyante.

Taong 2003 nang magkasama sa reality comedy television show na “Strangebrew” ang dalawa.

Marami ang nabigla nang mabalitaan na kasama si Tado sa mga pasahero ng bus na nahulog sa bangin sa Mountain Province noong Feb. 7, 2014. (READ: Tado, kabilang sa mga nasawi sa bus accident sa Mt. Province)

Sa kaniyang biyahe, kinunan pa ni Tado ng larawan ang bus na kaniyang sinakyan at nilagyan niya ng caption na "Long trip, as in trip trip." – FRJ, GMA News