Labis ang pasasalamat ni Beauty Gonzales na tuloy-tuloy ang mga proyekto niya bilang Kapuso. Ngayon 2022, sinabi ng aktres na susubukan niyang maging relax at hindi labis na nag-iisip.
"2022 goals [ko]... try to relax, try not to over think," sabi ng aktres sa panayam ng GMA Regional TV Early Edition.
"Huwag masyadong [maging] praning. Be thankful, be grateful," patuloy niya.
Malaki ang pasasalamat ni Beauty dahil naging maganda ang 2021 sa kaniya. At ngayong 2022 ay patuloy naman ang kaniyang mga proyekto sa GMA.
Katunayan, katatapos lang ng kaniyang mini-series na "I Can See You: AlterNate," kung saan natupad ang isa niyang wish na makatrabaho si Kapuso Primetime King Dingdong Dantes.
Matapos ang "Alternate," nauna nang inihayag ni Beauty na excited siya sa susunod niyang proyekto kung saan gaganap siya bilang kontrabida sa kauna-unahang pagkakataon.
"I'm so excited for them to see me in the show, na ibang Beauty naman 'yung makikita nila," saad niya sa hiwalay na panayam.
"Gusto ko kasi 'yung paiba-iba parati, ayoko nang pareho lang 'yung flavors lahat," dagdag pa niya.
Samantala, inihayag din ni Beauty na ipinauubaya niya sa kaniyang mister kung ano plano nito ngayong Valentines Day.
Pero para kay Beauty, dapat daw na araw-araw ay maging Valentines Day. --FRJ, GMA News