Sinabi ni Heart Evangelista na kinailangan niyang ayusan at asikasuhin ang sarili sa nagdaang Paris Fashion Week dahil hindi niya kasama sa biyahe ang kaniyang glam team.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing pinatunayan ni Heart na kayang makipagsabayan ng mga Pinay sa Haute Couture world matapos rumampa sa naturang event.
Inabangan at pinusuan ng libo-libong netizens ang bawat palit ng damit ni Heart.
Gayunman, inilahad ni Heart na kakaibang level ng stress ang kaniyang pinagdaanan para maging fashionable at glamorous.
"I didn't have my glam team with me, I was handling my schedule. So bawat palit ko roon ako lang ang gumagawa ng buhok ko, ako nag-style ng damit ko. So medyo stressful siya, but it proved to be that if you really work hard on something and you really want it, you can do it," sabi ni Heart.
Rewarding naman para kay Heart ang ibinuhos niyang effort.
Bukod dito, nakuha ni Heart ang mga ipinahiram sa kaniyang damit at accessories ng mga high-fashion brands.
"I got to keep all of the clothes, and I was very happy, nagulat ako because for example there are some clothes na I wasn't supposed to keep. Tapos because it got a lot of likes they would end up giving it to me kasi natuwa sila. So I wouldn't be able to do that without the people supporting me on Instagram," anang Kapuso Queen of Creative Collaborations.
Nakauwi na si Heart sa bansa para sa kaniyang kaarawan sa Pebrero 14, Araw ng mga Puso.
Nalalapit na rin ang finale ng kaniyang series na "I Left My Heart in Sorsogon." --Jamil Santos/FRJ, GMA News