Idol ang tawag ni Dion Ignacio sa kahawig niyang si Kapuso Primetime King Dingdong Dantes, na bida sa "I Can See You: AlterNate." Kambal ang role ni Dingdong sa naturang mini-series at si Dion ang nagsilbing ka-double ng aktor.
Sa Kapuso Showbiz News, aminado si Dion na may mga pagkakataon na napagkakamalan siyang si Dingdong.
Kahit sa mga post niya sa social media, may mga nakakapansin ng pagkakahawig nila ni Dingdong.
"Minsan sa TikTok ganoon din, sasabihin sa comment 'Ako lang ba nakakapansin guys? Parang kahawig niya si Dingdong,'" ayon kay Dion.
"Natutuwa naman ako. Pero siyempre, ayokong sobrang gayahin, 'di ba? Ewan, nahihiya ako eh. Pero idol ko siya, idol ko si Kuya Dong," dagdag ni Dion.
Ngunit kahit bago pa man siya mapabilang sa naturang proyekto, may mga pagkakataon na rin daw noon na napagkakamalan siyang si Dingdong.
"Actually nito noong artista na. Minsan napagkakamalan akong 'Uy si Dingdong.' Ayoko namang mag-feeling 'di ba?" sabi ni Dion.
Patuloy pa ni Dion, nasa bucket list niya ang makatrabaho si Dingdong.
"Proud nga ako kasi nagkaroon ako ng chance na makatrabaho si Kuya Dingdong dahil dito sa 'I Can See You: AlterNate.' Kasi alam mo ba, kung may bucket list lang ako, isa sa bucket list ko 'yung makatrabaho si Kuya Dingdong kasi talagang idol na idol ko siya eh noon pa man," saad niya.
Sa kuwento ng mini series, gumaganap si Dingdong bilang si Nate, na inampon at inaruga ng isang mayamang mag-asawa. Ngunit madidiskubre niyang mayroon siyang kambal na si Michael, na si Dingdong din ang gumaganap.
Bilang isang double, hindi ipinakikita ang mukha ni Dion sa camera.
"Sa akin naman okay lang 'yun, okay lang sa akin kahit hindi ako makita o ano. Basta ang main goal ko is ma-support sila para maging reactions nila kapag uma-acting sila. Tsaka noong nalaman ko nga na dual character, akala ko nga hindi ko makakaya eh, kasi nga first time kong gaganap ng dalawa 'yung character," sabi ni Dion.
Inilahad ni Dion na kinakabahan pa rin siya kahit hindi kita ang kaniyang mukha, pero malaki ang pasasalamat niya sa pagiging maalaga ni Dingdong sa set.
"Maalaga si Kuya Dingdong sa set eh. Pagkatapos namin sasabihin niya 'Dion okay ka lang ba, ayos lang?' 'Oo okay lang Kuya Dong.' Nagkaroon ako ng kuya sa set."
Humiling naman si Dion na muli pang makasama si Dingdong sa isang proyekto, pero makikita niya ang mukha niya.
"Ang ganda ng image niya, role model siya bilang artista. Ang galing niya kahit saan, sa host, sayaw, acting. Talagang idol, respetado ko si Kuya Dong," ani Dion.
Napanood ang finale ng mini-series ngayong Biyernes. Pero mapapanood ang mga episode nito sa Youtube channel ng GMANetwork.
--FRJ, GMA News