Muling magsasama ang dating mag-asawa na sina Jackie Lou Blanco at Ricky Davao para sa mini-series na "I Can See You: AlterNate." Nagkaroon kaya sila ng ilangan sa isa't isa?

"There was a bit of, siguro konting kaba. Paano kaya? Okay kaya 'yung lalabas? Pero once it started, okay na," sabi ni Jackie Lou sa Chika Minute report ni Lhar Santiago sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles.

Excited at sobrang natuwa raw ang kanilang mga anak sa muli nilang pagsasama ni Ricky.

"Everyday 'yung mga anak namin nagtatanong 'Kumusta na? Kumusta 'yung eksena ninyo? Was it okay?' Basta ang daming tanong," sabi naman ni Ricky.

"'Padalahan mo kami ng video,' 'Padalahan mo kami ng litrato.' Ang daming utos ng mga bata," kuwento naman ni Jackie.

Kahit naghiwalay, para kina Ricky at Jackie ay isang pamilya pa rin sila ng kanilang mga anak.

"Of course family is family talaga. Habang tumatagal doon mo mari-realize 'yung importance, talaga, habang tumatagal na lalo na, nagkaka-edad na tayo," sabi ni Ricky.

Bukod dito, mahigit 10 taon ding hindi nagkasama sa proyekto sina Ricky at Jackie.

"I must say that it was truly beautiful. I mean how it was all put together and how it all came. Sobrang I am so proud to be part of this teleserye and this ensemble na everybody did their share," sabi ni Jackie.

"Buong buo 'yung characters, tapos alam ko lahat inspired kasi unang una napakaganda ng material," ani Ricky tungkol sa mini-series.

Mag-asawa ang role nina Ricky at Jackie at anak nila si Dingdong Dantes, na pinuri nila sa husay sa pagganap.

Matatapos na ngayong linggo ang "I Can See You: AlterNate." --Jamil Santos/FRJ, GMA News