Pumanaw na sa edad na 91, ang batikang aktres at educator na si Rustica Carpio, ayon sa ulat ng PEP.ph.

Kinumpirma ng mga pamangkin ni Rustica na sina Nessea Carpio at Myrea Baquiran, ang pagpanaw ng aktres nitong Martes sa kaniyang bahay sa Cavite.

Nakatakda umanong i-cremate ang kaniyang mga labi ngayong Miyerkules ng hapon, pero wala pang ibang detalye kung magkakaroon ng burol.

Ayon sa ulat ng PEP, ang Nunal sa Tubig noong 1975 ang unang pelikula ni Rustica. Simula noon ay nagkasunud-sunod na ang mga movie at television projetcs niya.

Kabilang sa mga nagawa niyang pelikula ay ang Aliw (1979), Bona (1980), T-Bird At Ako (1981), Moral (1982), Rizal In Dapitan (1997), Lola (2009), at Captive (2012).

Nanalo si Rustica ng mga international acting award para sa kanyang mahusay na pagganap sa pelikulang Lola (2009).

Ang huli naman niyang pelikula ay ang Circa na ipinalabas noong 2019.

Sa kabila ng kaniyang paglabas sa pelikula at telebisyon, ipinagpatuloy pa rin ni Rustica ang pagtuturo sa ilang pamantasan.

Naging Dean si Rustica ng College of Communication sa Polytechnic University of the Philippines. --For the full story, visit PEP.ph