Kinagiliwan ng netizens ang video ni Zia Dantes na naghuhugas ng plato bilang pagtulong sa mga gawaing bahay, lalo nang magka-COVID-19 ang pamilya Dantes.

"Kasi noong panahon na nagkaroon kaming lahat ng COVID, siyempre kami lang gumagawa ng lahat and kinailangan naming tulungan ang isa't isa," sabi ni Dingdong Dantes sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras Weekend nitong Sabado.

Ayon kay Dingdong, tinuturuan na nila ng asawang si Marian Rivera na maging responsable ang kanilang anak sa murang edad.

"Para lang din malaman niya na may mga bagay na kinakailangan eh ginagawa mo rin sa bahay. You also have to be responsible, 'yung kwarto niya kung guluhin niya, kailangan niyang ayusin," ani Dingdong.

Inihayag ni Dingdong nitong linggo na nagpositibo siya at ang kaniyang pamilya sa COVID-19.

Bilang magulang, sinabi ni Marian na hindi nila naiwasan ni Dingdong na mag-aalala para sa kanilang mga anak nang magpositibo sila sa COVID-19.

Sinabi ni Marian na mas nag-aalala sila para kina Zia at Sixto, na mga bata pa at hindi pa puwedeng bakunahan.

Sa ngayon, halos lahat sa kanila ay gumaling na. — Jamil Santos/VBL, GMA News