Nagbigay ng kanilang pagbati ang mga celebrity, GMA executives, at iba pang kilalang personalidad para kay Kuya Willie Revillame, na nagdiriwang ng kaniyang ika-61 kaarawan.

Kabilang sa mga bumati kay Kuya Wil sina John Lloyd Cruz, Michael V., Mr. Johnny Manahan, Coco Martin, Billy Crawford, Lani Misalucha, Luis Manzano at Jessy Mendiola, at Vhong Navarro.

Si Michael V. pabirong humingi ng paumanhin kay Kuya Wil dahil hindi niya nakuhanan ng pagbati ang karakter niyang si Kuya Wowie na panggaya niya sa TV host.

Pero alam naman daw niya na ang magiging wish ni Kuya Wowie para  kay Kuya Wil ay "bigyan ng good health, at bigyan ng long life 'yan!"

Hiling pa ni Michael V, ituloy ni Kuya Wil ang pagiging blessing sa iba.

Si Vhong, sinabing isang mabuti tao si Kuya Will at inihayag na kabilang siya sa nakaranas ng tulong ng TV host kahit hindi niya sinabihan.

Hangad naman ni Coco ang kaligayahan, kaligtasan at lalo pang gumanda ang kalusugan ni Kuya Wil.

Muli namang nagpasalamat si John Lloyd kay Kuya Wil na naging daan ng pagbabalik niya sa telebisyon at pagkakabuo ng kaniyang pamilya sa kaniyang GMA show na "Happy ToGetHer."

Kasama ng aktor na bumati kay Kuya Wil ang buong cast ng naturang sitcom.

Nagpaabot din ng kanilang pagbati sina GMA 7 Program Management First Vice President Joey Abacan, GMA Executive Vice President and CFO Felipe Yalong, at GMA Films President Annette Gozon.

Bumati rin sina Senador Bong Go, at former Senate President Manny Villar, na sinabing marami na silang pinagdaanan noon ng TV host.-- FRJ, GMA News