Gumaling na sa COVID-19 ang mga miyembro ng K-Pop sensation na BTS na sina Suga, RM, at Jin.

Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Martes, sinabing ito ang kumpirmasyon ng BigHit Music, kung saan natapos ang quarantine ni Suga nitong Lunes.

Asymptomatic o hindi nagpakita ng sintomas ng COVID-19 ang BTS member sa loob ng 10 araw ng quarantine.

Nagpasalamat naman ang Big Hit Music sa lahat ng humiling ng paggaling ng K-Pop idol.

Disyembre 24 nang magpositibo si Suga sa COVID-19.

Bukod kay Suga, gumaling na rin mula sa COVID-19 sina RM at Jin, na nagpositibo noong Disyembre 25.

Si RM ay hindi nagpakita ng sintomas, habang si Jin ay nagkaroon ng kaunting lagnat sa umpisa.

Ayon sa BigHit, tapos na ang kanilang quarantine ngayong Martes at sila ay makakabalik na sa kanilang pang-araw-araw na gawain. – Jamil Santos/RC, GMA News