Ang pambato ng India ang itinanghal na bagong Miss Universe 2021. Kinapos naman ang pambato ng Pilipinas na nakapasok sa Top 5.

Sa 80 kandidata, higit na nagningning ang bituin ni Harnaaz Sandhu ng India para masungkit ang korona sa 70th Miss Universe.

Idinaos ang coronation night sa Eilat, Israel nitong Lunes ng umaga (Philippine time).

Si Miss Paraguay ang 1st runner-up, habang si Miss South Africa ang 2nd runner-up.

Sa final question, tinanong ang mga finalist kung ano ang maipapayo nila sa mga kabataang babae na humaharap sa mga "pressure" ng buhay ngayon.

Sagot ni Miss India:

"Well I think the biggest pressure the youth of today is facing is to believe in themselves to know that you are unique and that’s what makes you beautiful. Stop comparing yourselves with others and let’s talk about more important things happening worldwide. Come out and speak for yourself because you are the leader of your life. You are the voice of your own. I believed in myself and that’s why I’m standing here today."

Samantala, isa si Miss Universe Philippines Beatrice Luigi Gomez sa mga crowd favorite na umabot sa Top 5.

Ipinaliwanag ni Luigi ang kahulugan ng kaniyang armband tattoo na simbulo ng "rebirth" at bagong simula.

Inilarawan niya ang kaniyang ina na ultimate role model para women empowerment. Ibinahagi rin niya ang dahilan kung bakit siya pumasok bilang Philippine Navy Reserve Force sa panahon ng COVID-19 pandemic.

Si Luigi ang kauna-unahang openly out member ng LGBTQIA+ community na nanalo bilang Miss Universe Philippines. — FRJ, GMA News