Sa "TaranTanong" segment ng Mars Pa More, inilahad ni Rayver Cruz na mga 20 beses laging tumatawag sa kaniya ang kuya niyang si Rodjun, kaya naman hindi niya maiwasang babaan ito ng telepono.
"Sa sobrang devoted mo sa paglalaro, totoo ba na kapag naglalaro ka sa phone mo at may biglang tatawag sa'yo ida-drop call mo agad, ibababa mo tapos maiinis at maba-bad trip ka pa kapag namatayan ka ng character mo?" tanong ni Rodjun kay Rayver sa isang video.
"Actually kaya niya tinanong 'yan, kasi siya 'yung biktima niyan eh. Dina-drop call ko siya lagi. Si Rodjun kasi, kung hindi niyo po nalalaman, mga 20 times 'yang tumatawag sa akin. Pero dina-drop ko talaga kasi minsan 'yung timing ng tawag niya kapag 'yung intense na 'yung labanan," paliwanag ni Rayver.
Pasasalamat naman ni Rayver na mayroon nang "do not disturb" na feature sa mga telepono, para malaman ng mga tao kung may pinagkakaabalahan siya.
"Eh meron nang feature ngayon na 'do not disturb' sa bagong update sa mga telepono. So ngayon kapag tumatawag siya, automatic nagbi-busy na, pinipindot ko na lang 'yun 'pag naglalaro," ani Rayver.
Isa si Rodjun sa mga bumati kay Rayver sa renewal ng kontrata nito sa GMA Network nitong Setyembre. — Jamil Santos/VBL, GMA News