Emosyonal si Boobay nang balikan ang nangyaring stroke sa kaniya na muntik na niyang ikamatay o ikaparalisa ng kaniyang katawan. Nagpasalamat din siya sa kaniyang ex-partner na si Kent Resquir, na nagligtas at nag-alaga sa kaniya.
Sa isang episode ng "Bawal Judgmental" segment ng "Eat Bulaga," isa sa guest choices si Boobay, at dito niya inilahad ang nangyari sa kaniya.
Bagaman "mild" ang stroke na nangyari sa kaniya, sinabihan daw si Boobay sa ospital na mabuting naihatid kaagad siya sa pagamutan at naiwasan ang mas malalang sitwasyon.
Dito ay nagpapasalamat siya sa kaniyang dating partner na isang physiotherapist, dahil nakita nito ang mga sintomas ng stroke nang gamiting si Boobay ng tinatawag na "FAST," o Facial drooping, Arm weakness, Speech difficulties at Time.
Ilan sa mga sintomas ng stroke na naranasan ni Boobay ay ang hindi na niya magawang itaas ang kaniyang kamay at hindi mabanggit ang mga salitang ipinababanggit sa kaniya.
Pero bago pa man nito, nagkaroon na rin ng memory loss si Boobay noong nagpe-perform pa siya sa mga comedy bar na kaniyang binalewala.
"May mga sintomas na pala during that time pero dinisregard ko lang siya kasi sinasabi ng mga kasama ko dati sa Klownz na nagsusuot ako sa backstage ng stockings sa ulo," kuwento ng komedyante.
Nalilimutan din daw ni Boobay ang kaniyang mga linya sa kanilang mga skit.
"Akala ko dati talagang very strong person ako, kaya ang gawain ko noon tanggap nang tanggap, hindi ako nagtu-'two-hog,' talagang nagti-'three-hog' o 'four-hog,' ganiyan hangga't kaya ko," pagbibiro ni Boobay.
Dahil sa pagbalewala ni Boobay sa mga sintomas ng stroke, lumala ito at naospital siya nang isang buwan.
Depresyon
Inihayag ni Boobay na dumaan siya sa depresyon nang maratay sa ospital.
"Usually gabi-gabi nagpe-perform ako. Tapos biglang nandu'n na lang ako sa loob ng room, nandu'n lang nakatengga lang, tulala lang. Tapos nag-iisip ka kung kailan ulit babalik 'yung memories mo," paliwanag niya.
"Sabi ko, 'Lord kung ito na ang time talaga na hanggang dito na lang, sige, ibibigay ko na, maggi-give up na ako," patuloy ni Boobay.
Dumating din ang pagkakataon sumailalim si Boobay sa MRI para masuri ang dugo sa kaniyang utak na naging sanhi ng stroke.
"Pero kung pumutok daw 'yun, malamang daw hindi na ako makapagpapatawa, hindi na ako makapagpe-perform. Eh 'yun ang pangarap ko," mangiyak-ngiyak na sabi ni Boobay.
Pero nagpasalamat si Boobay sa mga taong ipinadala ng Maykapal para pag-igihan pa niya at makabalik siya sa dati niyang kondisyon.
Sa ngayon, natutunan ni Boobay na magpahinga sa trabaho para maipahinga ang katawan.
"'Yun naman ang natutunan ko riyan na talagang, learn to say no, kapag hindi kaya ng katawan mo. Listen to your body, kapag ipinararamdam na parang hindi niya kaya huwag mong pilitin," payo niya.
"Kasi dati talaga ang thinking ko hangga't nandiyan kailangan kong tanggapin 'tong work, go lang nang go," dagdag pa niya. --FRJ, GMA News