Hindi napigilan ni Mygz Molino na umiyak nang makita ang video ng guesting nila ni Mahal sa "The Boobay and Tekla Show," ilang buwan lang bago pumanaw ang komedyante dahil sa komplikasyon sa COVID-19.

Sa episode ng "TBATS' nitong Linggo, aminado si Mygz na hindi pa rin siya nakaka-move on sa pagkawala ni Mahal na malapit sa kaniyang puso at kasama niya sa pagba-vlog.

Nitong nakaraang June nang mag-guest sina Mygz at Mahal sa TV show nina Boobay at Super Tekla. Pero noong Agosto 31, biglang binawian ng buhay si Mahal habang nasa Batangas kasama si Mygz.

Ayon kay Mygz, hinahanap-hanap niya ang mga tawa ni Mahal at kakulitan nito.

“Hindi mawawala sa akin yung mga tawa niya, ngiti niya. Yung mga binibigay niyang kasiyahan, sa pamilya ko, sa mga taong sumusuporta sa kanya," anang aktor.

Madalas din daw niyang mapanaginipan si Mahal at may pagkakataon din na nakakakita siya ng paruparo, na kasabihan ng iba ay paraan ng pagpaparamdam ng mga namayapang mahal sa buhay.

“Sa bahay kasi nakikita mo siya kahit saan. Kaya minsan, hindi na ako natambay sa bahay, dun na ako sa likod, naalala ko palagi siya. Sobrang hirap niyang kalimutan," malungkot niyang sabi.

“Hindi pa ako naka-move on sa nangyari sa kanya,” pagtatapat pa ng binata.

Saksi naman si Buboy Villar, kasama sa "Mema Squad" "TBATS," kung papaano alagaan at asikasuhin ni Mygz si Mahal sa taping ng Owe My Love.

Ginagawa raw ni Mygz ang pag-alalay kay Mahal tulad ng pagbuhat kapag aakyat sa hagdanan.

Ayon kay Mygz, ipagpapatuloy niya ang mga vlog nila ni Mahal dahil ito raw ang gusto ng namayapang komedyante upang patuloy na mapaghatid ng tulong sa iba, katulad ni Mura.

“May mga usapan naman kami about sa mga content. Yung tulong namin na gagawin na naumpisahan nga namin kay Mura. This time kasi, may mga nagsasabing ituloy ko din," pahayag niya.

Nagpapasalamat siya sa lahat na sumusuporta sa tambalan ni Mahal

“Ang masasabi ko lang po, itutuloy ko pa rin po yung mga nasimulan namin. At alam ko po hindi naman kayo bibitaw para sa amin, para sa akin," ani Mygz.  Itong gagawin ko po ay alay kay Mahal. Maraming-maraming salamat po sa inyong lahat.”

Nagpasalamat din si Mygz sa pamilya at mga kapatid ni Mahal.

“Alam naman po nila ang mga naging samahan po namin ni Mahal. So, nagpapasalamat po talaga ako din sa kanila. Kung hindi po sa kanila, wala po yung tipong bonding na maggu-grow sa aming dalawa ni Mahal," ayon pa kay Mygz.

Tiniyak din ni Mygz na mananatili siyang bahagi ng pamilya ni Mahal.

"Sabi nga ng kapatid ni Mahal na si Ate Irene, na kapag nagtagal o nakapag-move on ako, huwag daw sana ako mawawala sa kanila. Kumbaga, parang ako na lang daw ang huling makikita at alaala ni Mahal," patuloy niya.

Sa kabila ng malungkot na pangyayari, naniniwala si Mygz na masaya si Mahal ngayon dahil kasama nito ang kaniyang ama na pumanaw daw ngayon taon dahil sa komplikasyon sa COVID-19. --FRJ, GMA News