Ipinasilip ni Bea Alonzo ang magandang farm niya sa Zambales. Ayon sa bagong Kapuso star, "raw" farm nang mabili niya ang lupain at sila mismo ang nag-asikaso para mapaganda nila ang lugar.
Sa programang "Mars Pa More," sinabi ni Bea na wala talaga silang probinsiya kaya naiinggit siya sa mga taong may inuuwiang probinsiya na nagiging kanlungan nila.
Hanggang sa mabili nila ang lupain na kinatitirikan ngayon ng kaniyang farm, sampung taon na ang nakalilipas.
Ayon Bea, "raw" farm ang lupain nang kanilang mabili dahil nasunog ang lugar at isang puno lang ang nakatayo.
Unti-unti ay tinaniman nila ito ng mga puno tulad ng mangga, at nag-alaga na rin sila ng mga hayop gaya ng mga baka, at mga baboy na pinangalanan niyang Sam, Gyup, at Sal.
All organic din daw ang gamit nilang pataba sa lupa at gumagamit sila ng solar energy. Panoorin ang video.
--FRJ, GMA News