Habang papalapit na ang Pasko, sinabi ni Willie Revillame na nag-iisip siya ng paraan kung papaano siya makapagbibigay ng pamasko sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng programang "Wowowin-Tutok To Win."
Sa episode ng programa nitong Huwebes, sinabi ni Kuya Wil na hindi gaya ng mga inihahalal na mga opisyal na may limitasyon ang termino sa pagsisilbi sa mga tao, sinabi ng TV host na walang limitasyon ang pagtulong ng "Wowowin-Tutok To Win."
"Pero ang 'Wowowin' walang limitasyon hanggang nandito ang programang ito para sa inyong lahat," anang TV host.
Nag-iisip daw si Kuya Wil ng paraan kung papaano maihahatid sa mga tao ang tulong na pamasko.
Pero dahil na rin sa pandemic at hindi puwede ang live audience sa studio, iniisip ni Kuya Wil na siya mismo ang magpupunta sa iba't ibang lugar na dala ang ipamamahaging tulong tulad ng mga bigas.
Isa sa plano ni Kuya Wil ay makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ng pupuntahan lugar, magtatagpo sa plaza na dala ang mga tulong, pero dapat ay walang mga tao.
Gayunman, sinabi ng TV host na kailangan muna niyang hingin ang pahintulot ng pamunuan ng GMA at ng IATF dahil may mga health protocols na dapat sundin.
Ipinakita rin ni Kuya Wil kung gaano sila kaingat sa studio para maiwasan ang hawahan ng COVID-19 kaya limitado lamang ang mga kasama niyang staff. Panoorin.
--FRJ, GMA News