Ibinalita ni Willie Revillame na tuloy ang pagbibigay niya ng tulong at saya sa mga tao sa pamamagitan ng "Wowowin-Tutok To Win" kahit ipatupad na ang enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila.
Sa episode ng kaniyang programa nitong Miyerkules, sinabi ni Kuya Wil na nakipagpulong siya sa mga kinauukulang opisyal ng pamahalaan para tiyakin na susunod sila sa mga ipatutupad na health protocols.
Pero dahil sa ECQ ang Metro Manila simula sa Biyernes, Agosto 6, ipinahiwatig ni Kuya Wil na sa ibang lugar sila magdaos ng programa dahil hindi ito puwedeng gawin sa studio ng GMA Network at sa Wil Tower.
"For two weeks po na wala kami rito, nasa isang lugar kami...makikita niyo kung gaano kaganda yung lugar na 'yan," ayon kay Kuya Wil. Panoorin.
--FRJ, GMA News