Sa kabila ng mausbong niyang career kung saan naging bahagi siya ng youth-oriented show na T.G.I.S. noong '90s, nagdesisyon si Red Sternberg na iwan ang showbiz at makipagsapalaran sa Amerika.
May pagsisisi nga kaya siya na iwan ang industrya?
Sa "Tunay Na Buhay," sinabing 14 taon nang namamalagi si Red at ang kaniyang pamilya sa Amerika, at hindi ito naging madali dahil nag-state hopping sila sa limang states.
Kung kaya naman ipinanganak sa iba't ibang states ang tatlo niyang anak.
Nagtatrabaho na ngayon sa Amerika si Red bilang isang general manager sa hotel industry. Gayunman, may mga tao pa ring nakakakilala sa kaniya.
"I think the last one was mga two weeks ago. Naka-mask pa nga ako eh, nakilala pa rin ako sabi niya 'Uy Red kamusta?' Nag-iisip naman ako dahil 'yung pagkakasabi niya parang kaibigan ko," kuwento ni Red.
"I never talk about it. 'Yung mga empleyado ko hindi nila alam," dagdag niya.
Inilahad ni Red ang kaniyang naging rason kung bakit nilisan niya ang showbiz.
"It was a combination ng burnout, tatlong TV shows, gumagawa ako ng dalawang pelikula. Everyday trabaho. Ako 'yung tipong I never had a driver, wala akong P.A., lahat ako. I just felt na it was time to move on," anang dating T.G.I.S. star.
Diretsahang sinagot ni Red kung may pagsisisi siya sa kaniyang desisyon.
"No. Do I miss it? Yeah. Do I still want to do it in the future? Maybe, and the acting itself." —LBG, GMA News