Ibinahagi ni Ken Chan ang mabigat na pagsubok na pinagdaanan noon ng kaniyang pamilya nang magpositibo sa COVID-19 ang 17 sa kanila.
Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabi ng aktor na kabilang sa nahawahan ng virus ang kaniyang lola at maging ang baby na dalawang-taong-gulang.
"Isang araw lang kami na nilagnat nang sobra," aniya. "Yung katawan namin, nanginginig kami. Yung lamig parang pumapasok sa buto namin."
Sabi pa ni Ken, naramdam din sila ng panghihina at pananakit ng kalamnan at hindi sila makatayo at makalakad.
"Wala kaming ganang kumain, wala kaming panlasa, wala kaming pang-amoy. Yung mata namin sobrang red na tapos nagluluha," kuwento pa niya.
Sinabi pa ni Ken na umabot sa 39 degrees ang kaniyang naging lagnat.
Naniniwala ang aktor na bukod sa mga gamot, gumaling ang kaniyang pamilya dahil sa pananampalataya nila sa Diyos at mga taong nagpalakas ng kanilang loob.
Kaya paalala ng bida sa Kapuso series na "Ang Dalawang Ikaw, patuloy na mag-ingat at magsuot ng face mask at face shield dahil patuloy pa ang pandemic.
Nitong nakaraang linggo, nabakunahan si Ken ng first dose ng COVID-19 vaccine.—FRJ, GMA News