Sa pagbuti ng sitwasyon sa Amerika sa gitna ng pandemya, susubukan na rin daw ni Rufa Mae na abutin ang pangarap ng marami na Hollywood dream.
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing sumunod si Rufa Mae sa asawa niyang si Trevor Magallanes sa Los Angeles, California, noong Pebrero 2020 kasama ang kanilang anak na si Athena.
"Actually, it was really hard. Yes! Mahirap talaga 'yung una pero parang dahil sa takot ko na sobrang lungkot, sobrang takot dahil nga sa pandemic, tapos may anak ka, parang lagi mong iisipin, ang importante sama-sama kayong pamilya tapos healthy kayo," sabi ni Rufa.
Naging isang housewife daw ang naging bagong buhay ni Rufa sa Amerika.
"Kanina nagda-drive ako dito sa Amerika. Talagang alam mo 'yun? Parang ibang iba na. Hindi na ako 'yung dating Rufa Mae na ang daming kasama, glam team here, glam team there, limelight," anang aktres.
[Grocery at pagluluto,] lahat 'yon araw-araw 'yun na lang ang trabaho ko. Ang hirap kaya...pero kinaya ko," dagdag ni Rufa Mae.
"'Yung susi lang eh. Ilang beses akong na-lock, tapos siyempre minsan nandoon sa loob 'yung anak mo. 'Yung mga ganu'ng struggle. Tapos siyempre nakakalimutan mo 'yung mga pinto, minsan hindi mo na naisarado, minsan hindi mo nai-lock, minsan naiwan mo na 'yung labada," kuwento niya sa pagiging isang maybahay.
Inamin naman ni Rufa Mae na nakalimutan niya ang kaniyang sarili sa pag-aasikaso niya sa kaniyang pamilya.
Na-depressed din daw si Rufa sa mga nangyaring pagbabago.
Pero dumating ang oportunidad nang maging cover girl na rin si Rufa sa isang U.S. based magazine.
"Napabayaan ko, ang laki ko talaga, namamanas ako, ayoko nang humarap. Tapos noong nabigyan ako ng chance sa magazine, nakita ko 'yung sarili ko, 'Ay kaya pala.' Tapos tuloy-tuloy na ang paglaban. Nagwo-workout na ako, pumayat na ako, kaya ko na ulit mag-two piece. Pero noon ay ayokong makita 'yung sarili ko," patuloy niya.--Jamil Santos/FRJ, GMA News