Pumanaw na si Shalala sa edad 61 nitong Miyerkoles ng umaga.
Namaalam ang comedian at TV host matapos ang pakikipaglaban sa pulmonary tuberculosis, base sa pagkumpirma ng kaniyang kapatid na si Anthony Reyes sa GMA News Online.
Na-confine si Shalala sa National Kidney Institute noong nakaraang linggo at inilabas matapos bumuti ang kaniyang kondisyon.
Ngunit nitong Martes, muling ibinalik si Shalala sa ospital, sa Fe Del Mundo Medical Center sa Banawe, Quezon City.
Sa Instagram, nag-post ang best friend ni Shalala na si Marivic Nieto ng larawan ng TV host sa ICU, kasabay ng paghingi ng mga panalangin at tulong. Sinabi naman niyang nagnegatibo si Shalala sa COVID-19.
Carmelito M. Reyes sa tunay na buhay, isinilang si Shalala noong Enero 21, 1960.
Mas kilala siya bilang si "Shalala," na ipinangalan sa kaniya noon ni kuya German "Kuya Germs" Moreno.
Tinaguriang reyna ng mga blind item, naging dating checker sa sinehan si Shalala bago naging staff ng Viva Films.
Kalaunan, naging showbiz reporter sa radyo at telebisyon si Shalala.
Naghatid si Shalala ng kasiyahan at katatawanan sa iba't ibang programa sa telebisyon, kabilang ang "Walang Tulugan with the Master Showman." —LBG, GMA News