Maraming fans ang nagulat sa bilis ng panahon nang malaman nila na ang dating kinagigiliwan sa pagiging cute, talented at makulit na si "Aling Maliit" Ryzza Mae Dizon, sweet 16 na ngayon.
Anim na taon gulang lang noon si Ryzza Mae nang maging bukang-bibig ang kaniyang pangalan sa mga tahanan matapos na manalo sa Little Miss Philippines na pakontes sa "Eat Bulaga."
Kinalaunan, naging bulilit-dabarkads na siya at naging youngest talk show host sa "The Ryzza Mae Show."
Ang GMA News "Unang Hirit," nag-post ng before and after pics ni Ryzza para sa kaniyang kaarawan noong June 12.
Hindi napigilan ng ilang netizens na makaramdam ng pagtanda nang makita nila ang larawan ni Ryzza Mae na sumasalamin sa bilis ng paglipas ng panahon.
"Big girl na ang dating source of happiness namin sa tv," ayon sa isang netizen.
Hindi rin makapaniwala si Ryzza Mae na 16-anyos na siya.
"'Yung age pa lang po naman 'yung tumaas pero, 'yung height ko 'yun pa rin. Same pa rin po," biro niya.— FRJ, GMA News