Kagipitan o hirap sa buhay ang nagdala kina "Diegzz" at "Archie" sa maharot na mundo ng macho dancing. Pero ngayong may kaniya-kaniya na silang mga anak, naisip na nilang mag-iba ng linya ng hanapbuhay tulad ng pagtitinda ng street food.
Sa episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho" nitong linggo, sinabing nagmistulang nagkaroon ng pa-big night sa social media nang mag-post ang ilang kalalakihan ng kanilang mga video habang gumigiling.
Nagsimula ito nang magkaroon daw ng "hiring" ang isang kilalang night club na naghahanap daw ng mga macho dancer na nag-aalok ng malaking sahod.
Pero itinanggi naman ng may-ari ng club ang naturang anunsyo lalo pa ngayon na may pandemic at sarado ang mga establisimyento na katulad ng mga bar.
Kaya naman kabilang ang mga macho dancer sa maraming manggagawa ang naapektuhan ang kabuhayan dahil sa pandemic.
Gayunman, mayroon daw ibang paraan upang kumita ang ilang macho dancer sa pamamagitan ng pagla-live show sa internet.
Gaya ni "Evo" ng Nueva Ecija, na kumikita raw sa pagsasayaw habang may nanonood sa kaniya via Zoom.
Kung minsan, umaabot daw sa P30,000 sa isang gabi ang kaniyang kita.
Hindi ikinakahiya ni Evo ang kaniyang trabaho dahil ang kinita raw niya rito ang ipinantubos niya ng lupa at ipinampagawa ng kanilang bahay.
"Ok lang basta sasayaw lang ako dito sa loob ng bahay lang, para safety na rin," saad niya.
Si "Diegzz" naman na taga-Subic, inihayag na walong taon siyang naging macho dancer nang magipit sa buhay.
Maagang pumanaw ang kaniyang ina at nagkaroon ng ibang pamilya ang ama.
Kaya napilitang siyang itaguyod ang sarili para makapag-aral sa pamamagitan ng pagpasok sa iba't ibang trabaho.
Pero nang magipit na, doon na siya napilitan na umindayog sa dance floor.
Sa kaniyang unang sampa sa entablado, nakaramdaman siya ng pagkawala ng dignidad sa sarili dahil hindi niya pinangarap ang maging isang macho dancer.
At nang magkaroon ng pandemya, hindi na dance floor ang kaniyang pinapainit kung hindi ang ihawan na para magtinda ng mga barbecue.
Desidido si Diegzz na magbago ng linya para sa kaniyang mga anak.
"Lumalaki na rin yung mga bata. Ayokong kamulatan nila ako sa ganung trabaho," saad niya.
Naramdaman naman ni "Archie" ang sakit na hindi kibuin ng anak na panganay sa loob ng limang taon nang malaman nito na isa siyang macho dancer.
Naging tampulan daw ng tukso at na-bully ang kaniyang anak dahil sa kaniyang trabaho at sinasabihan siyang "pokpok."
Umalis pa sa kaniyang poder ang anak at tumira sa kaniyang lolo at lola.
Kaya naman sa halip na maghubad sa trabaho, naghanap ng trabahong nakabihis si Archie.
Para madagdagan din ang kaniyang kita, nagtitinda naman siya ng fishball at iba pa.
Wala naman daw pinagsisisihan si Archi sa 11 taon niyang pagiging macho dancer dahil doon niya binuhay ang kaniyang pamilya at wala siyang tinapakan na iba.
Pero mula nang umalis siya sa pagiging macho dancer, unti-unti nang naayos ang relasyon niya sa kaniyang anak.
Paglilinaw ni CIDG-PNP Head Pltcol. Ivy Castillo, hindi ilegal na trabaho ang macho dancing.
"Nagiging ilegal lang siya kung nagsasayaw lang siya ng hubad-hubad na pinipilit siya for the purpose of sexual exploitation. Nakikita ko na magiging violation siya sa batas natin dito sa Pilipinas," anang opisyal.
Tunghayan sa video ang kanilang kuwento at ang natanggap na sorpresa ni Archie
--FRJ, GMA News