Sa kaniyang ika-16 kaarawan nitong Hunyo 12, tinupad ng isang netizen ang birthday wish ni Ryzza Mae Dizon na maka-collaborate ang international singer na si Dua Lipa.

Nabasa ng netizen na si Hendrix Pallingayan ang hiling ni Ryzza Mae sa isang artikulo ng GMA Entertainment kaya pinagbigyan niya ang Eat Bulaga Dabarkads.

Nitong Sabado, ibinahagi ng Eat Bulaga Facebook page ang mash up ni Pallingayan ng kantang "Cha Cha Dabarkads" ni Ryzza at "Don't Start Now" ni Dua Lipa.

Ikinatuwa at pinusuan naman ng netizens ang post, na meron nang higit 12,000 reactions at 307k views.

"COLLAB OF THE DECADE! Wish granted para kay birthday girl Ryzza Mae Dizon … mula kay Hendrix Pallingayan," caption ng EB Dabarkads.

Dating nag-post si Ryzza ng throwback cover ng hit song ni Dua Lipa na "New Rules," na kaniyang ni-record noong 2017.

"Officially 16!! Pero yung height pang 6," biro ni Ryzza sa kaniyang sarili sa Instagram.

Nanalong Little Miss Philippines si Ryzza Mae noong 2012, at dito na umusbong ang kaniyang career. – Jamil Santos/RC, GMA News