Inilahad ni Tanya Garcia na nagpositibo sila ng kaniyang asawang si Mark Lapid sa COVID-19, pati na rin ang mga anak nilang sina Mischa, Matilda, at Madeleine.

Sa ulat ng PEP.ph, sinabi ni Tanya na maging ang kanilang dalawang kasambahay ay nagpositibo rin sa virus.

Ngunit hindi ito sinabi ni Tanya sa kaniyang mga magulang matapos na mabigyan na ng taning ang kaniyang lola, na pumanaw na kamakailan.

“Hindi ko sinabi sa parents ko na positive kaming lahat. Kailan lang nila nalaman, nung okay na okay na kaming lahat. Kasi nga, ayokong maka-add up sa stress nila, sa anxiety nila dahil lahat tayo, napapraning na. Pero yung mga kapatid ko, alam nila and updated sila sa everyday na nangyayari," saad ni Tanya sa panayam sa kaniya ni Rose Garcia.

Hindi matukoy ni Tanya at ng kaniyang pamilya kung paano sila nahawa ng COVID-19 dahil negatibo naman daw ang kanilang mga nakakasalamuha.

Huling linggo ng Marso umuwi ng Pampanga ang pamilya nina Tanya dahil sa surge ng mga kaso sa Metro Manila.

"'Tapos, bigla na lang, si Mischa, 'yung eldest ko, nagka-fever. Out of the blue, nagkasakit siya 'tapos nag-chi-chill, so kinabahan na ako. Sabi ko, bakit bigla itong nagkalagnat, e, wala namang sipon, wala namang ubo," anang aktres.

Dito, isinalang ni Tanya ang kaniyang panganay na anak sa antigen test, na lumabas na positibo.

“Sabi kasi, kapag positive ka na sa antigen test, nandiyan na yung virus. Kaya sabi ko, pa-test na rin tayong lahat sa bahay. At lahat kami, positive," ayon kay Tanya.

“Yung dalawang yaya, nag-positive, pero sina manang, hindi. Yung talagang nasa loob, kumbaga, 24/7, nasa loob sila. Doon din sila natutulog sa room ni Madel. Sina Manang kasi, may ibang room sila," pagpapatuloy niya.

Nag-quarantine si Tanya, mga anak niya at dalawang kasambahay sa kanilang bahay sa Pampanga, samantalang na-confine naman sa hospital si Mark dahil sa kaniyang comorbidity.

“I think ha, kapag nandoon ka na sa sitwasyon na yun, wala kang ibang choice but to be strong. Prayers lang talaga kasi, wala ka namang ibang makakapitan kung hindi yung faith mo kay God na, 'no, kaya natin ito. Malalampasan natin ito,'" saad ni Tanya. – Jamil Santos/RC, GMA News